Nemo, ang Batang Papel


ni Rene O. Villanueva

Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase. Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.

Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si Nemo.

Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng aratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.

Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!

Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang maging isang tunay na bata.

“Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”

Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.

Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang hiling.

“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Ako’y gawing isang batang masayahin!”

Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.

Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.

“’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho kayo!”

Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.

Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.

Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.

Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa paaralang pinanggalingan niya.

Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si Nemo ng libro.

“Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.

“Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.

“Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.

“Alis diyan!”

Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.

“’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.

Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.

“Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.

Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batang kalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro. Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng kanilang mata.

Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.

Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila, nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.

Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.

“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing batang masayahin.”

Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.

Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel. Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at mabuhay sa malupit na kalsada.

Mula sa: Ang Gintong Habihan: Mga Kuwentong Premyado ng Palanca. (1998). Maynila:
Tahanan Books for Young Readers.